--Ads--

Inihayag ng militar ng Estados Unidos na pinasabog nito ang dalawang bangka na umano’y may kargang ilegal na droga nitong Miyerkules, na ikinasawi ng limang katao na sakay ng mga ito.

Hindi tinukoy ng US Southern Command kung saan isinagawa ang pinakahuling opensiba, ngunit sa nakalipas na tatlong buwan ay patuloy na tinatarget ng puwersa ng Amerika ang mga sasakyang-pandagat na pinaghihinalaang ginagamit sa drug smuggling sa Caribbean at silangang bahagi ng Pacific Ocean.

Ang naturang pag-atake ay isinagawa isang araw matapos targetin ng US ang tatlong bangkang umano’y magkakasabay na bumiyahe bilang convoy, na ikinasawi ng hindi bababa sa tatlong katao.

Ayon sa administrasyong Trump ang mga operasyong ito ay bahagi ng “non-international armed conflict” laban sa mga hinihinalang drug trafficker.

--Ads--

Sa kabuuan, mahigit 30 na pag-atake na ang isinagawa laban sa mga sasakyang-pandagat bilang bahagi ng “war on drugs” ng administrasyong Trump, na ikinasawi ng mahigit 110 katao mula nang isagawa ang unang pag-atake sa isang bangka sa international waters noong Setyembre 2.

Ang unang pag-atakeng ito ay sinusuri ngayon ng mga mambabatas sa Washington matapos mabunyag na dalawang beses pinasabog ng US forces ang parehong bangka. Dalawang katao na nakaligtas sa unang pag-atake at kumakapit pa sa katawan ng bangka ang napatay sa ikalawang strike.

Nagpahayag ng pangamba ang ilang mambabatas na ang tinaguriang “double-tap” strike ay maaaring lumabag sa rules of engagement.

Sa pahayag ng US Southern Command hinggil sa pag-atake  sa convoy ng tatlong bangka noong Disyembre 30, sinabi nitong may mga nakaligtas sa insidente ngunit hindi tinukoy kung ilan. Ayon pa sa kanila, tumalon sa dagat ang mga natitirang hinihinalang “narco-terrorists” at iniwan ang dalawang bangka bago tuluyang lumubog ang mga ito sa mga sumunod na opensiba.

Dagdag pa ng Southern Command, agad nilang ipinaalam sa US Coast Guard ang insidente upang hanapin ang mga nakaligtas. Ayon sa ulat, isang opisyal ng US na humiling na manatiling anonymous ang nagsabing walong survivor ang patuloy na hinahanap.

Sa ngayon, hindi pa malinaw kung may natagpuan na sa kanila.

Wala pang inilalabas na ebidensya ang US na nagpapatunay na may kargang droga ang mga bangkang tinarget. Gayunman, iginiit muli ng Southern Command na kinumpirma umano ng kanilang intelligence na ang mga sasakyang-pandagat ay dumaraan sa mga rutang kilala sa narco-trafficking at sangkot sa ilegal na bentahan ng droga.