Nanumbalik ang relasyon ng Venezuela at Estados Unidos matapos nilang opisyal na ibalik ang diplomatic ties nitong Huwebes, ayon sa U.S. State Department. Ito ay matapos ang pitong taong kawalan ng pormal na komunikasyon simula noong 2019.
Ayon sa Estados Unidos, ang pagbabalik ng relasyon ay makakatulong sa pagtataguyod ng katatagan, pagsuporta sa pagbangon ng ekonomiya, at pagpapaunlad ng political reconciliation sa Venezuela. Layunin din nitong lumikha ng mga kondisyon para sa isang mapayapang transition tungo sa demokratikong piniling pamahalaan.
Samantala, sinabi ng pamahalaan ng Venezuela na sisimulan nila ang isang bagong yugto ng constructive dialogue na nakabatay sa mutual respect at pagkakapantay-pantay ng mga bansa, na magiging kapaki-pakinabang para sa parehong panig pangunahin na sa pag-akses ng Estados Unidos sa yamang mineral ng Venezuela.
Kasabay nito, bumisita si U.S. Interior Secretary Doug Burgum sa Caracas, kung saan tinalakay ang seguridad para sa mga dayuhang kompanya na nais mamuhunan sa Venezuela, lalo na sa sektor ng langis at mineral.
Itinuturing ang hakbang na ito bilang isang malaking pagbabago sa relasyon ng dalawang bansa, matapos ang matagal na pagkasira ng ugnayan.










