CAUAYAN CITY– Umiiyak at labis na nanghihinayang ang ang isang vegetable vendor sa pribadong pamilihan matapos masalisihan at matangayan ng mahigit Php135,000.00 sa loob ng kanyang puwesto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng biktimang si Ginang Rowena Santiago na bago natuklasang nawawala ang kanyang belt bag na naglalaman ng pera ay mayroong apat na tao ang sabay sabay na bumili sa kanila.
Kasama niyang nagbabantay sa puwesto ang kanyang pamangkin nang bumili ang apat katao.
Habang bumibili ang apat ay tila pinaikot ikot lamang sila o ginugulo ng mga ito dahil maski kalapit nilang pwesto ay pinagtatanungan din ng kanilang customer.
Bago bumili sa kanya ang apat ay nahawakan pa niya ang kanyang bag dahil nagring ang kanyang cellphone pero binalik din nito sa kanyang pinaglagyan at inayos pa aniya nito ang lock na sumasayad sa sahig.
Nang wala na silang costomer ay naisipan ni Ginang Santiago ang magsuklay ngunit nung kukunin na niya ang kanyang bag na nakalagay sa ilalim na bahagi ng kanilang display o sa loob ng kanyang pwesto ay wala na ang kanyang belt bag na naglalaman ng perang mahigit isandaang libong piso.
Ang pera ng ginang na tinangay ng mga magnanakaw ay Php135,000.00 at Php85,000.00 dito ay kanya lamang inutang na pandagdag sana sa kanyang puhuhan sa pagbili ng gulay habang ang iba ay ang kanyang kita sa pagtitinda.
Maging ang kanyang isang bag na naglalaman ng mga damit na gagamitin sana niya sa kanyang pagbiyahe para umangkat ng gulay ay ninakaw din ng mga magnanakaw.
Idinulog naman nito sa pamunuan ng pribadong pamilihan ngunit kanilang napag alaman na hindi hagip ng CCTV ang kanilang pwesto dahil magkabilaang dulo lamang ang nakukuhanan ng camera.
Iniulat din ng ginang sa Cauayan City Police Station ang naturang pagnanakaw at umaasa siyang maiimbestigahan at matutukoy ang pagkakakilanlan ng mga kawatan.
Inihayag ni Ginang Santiago na sana ay makonsensiya ang mga kawatan na tumangay sa perang pinaghirapan.