--Ads--

Inihayag ng ilang vendors at shop owners sa pampublikong pamilihan ng Lungsod ng Santiago na mas madalas at mas malala na ngayon ang pagbaha sa lugar kumpara noong mga nakaraang taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Manalo, may-ari ng isang cellphone repair shop, sinabi niyang dati ay tuwing may bagyo lamang nararanasan ang pagbaha sa pamilihan. Ngunit sa kasalukuyan, kahit ilang minutong ulan ay agad nang nagdudulot ng pagbaha.

May ilang partikular na bahagi ng pamilihan ang apektado, bagama’t hindi ito ganoon kalubha noon. Aniya, malaking dagok sa kanilang kabuhayan ang madalas na pagbaha dahil mas kakaunti ang mamimiling pumupunta sa pamilihan. Bukod dito, nalalagay sa panganib ang kanilang panindang gadgets na kapag nabasa o nalubog sa baha ay tuluyan nang hindi magagamit.

Isa sa mga nakikitang dahilan ng problema ay ang hindi akmang disenyo ng mga drainage canal sa paligid ng pamilihan. Dahil dito, umaasa ang mga vendor na agad itong matugunan ng pamahalaang panlungsod upang maiwasan ang paulit-ulit na pagbaha.

--Ads--

Sa kabila ng nararanasang baha at kamakailang banta ng bomba, iginiit naman ng mga negosyante na patuloy silang magbubukas ng tindahan upang may pagkukunan pa rin ng kita.