--Ads--

Na-install na kahapon ang vertical clearance sa Sipat Bridge na matatagpuan sa pagitan ng Barangay District 3 at Barangay Labinab sa Cauayan City, matapos maitala ang pagguho ng lupa sa ilalim ng tulay.

Matatandaan na dulot ng malakas na agos ng tubig sa nakalipas na mga linggo, unti-unting gumuho ang lupang sumusuporta sa konkretong tulay, dahilan upang magkaroon ng potensyal na panganib sa mga dumaraan dito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Foreman Lorenzo Albano mula sa City Engineering Office, sinabi niyang eksaktong 2.4 metro ang taas ng itinakdang vertical clearance, habang 6.6 metro naman ang lapad para sa mga light vehicles na pinapayagang tumawid.

Ayon sa kanya, ito ay alinsunod sa utos ng mga kinauukulan upang mahigpit na ipagbawal ang pagdaan ng malalaking sasakyan tulad ng dump truck at forward truck sa tulay, upang maiwasan ang karagdagang pinsala o aksidente.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Albano na pinaghandaan na ng City Engineering Office ang posibilidad na kailanganin ng mga fire trucks na rumesponde sa West Tabacal Region.

Aniya, hindi maaapektuhan ang mga ito dahil aalisin ang vertical clearance sakaling magkaroon ng emergency. Tanging mga emergency vehicles lamang ang papayagang dumaan kung kinakailangan.