CAUAYAN CITY- Nakatakdang magsagawa ng parada ang Pamunuan ng Lungsod ng Boston sa Massachusetts, United States bilang selebrasyon sa pagkapanalo ng Boston Celtics sa katatapos na National Basketball Association o NBA Finals.
Matatandaan na kahapon, ika-18 ng Hunyo ay nasungkit ng Boston Celtics ang Larry O’Brien Championship Trophy matapos talunin ang Dallas Mavericks.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Harold Villarosa Mortel na gaganapin ang naturang parada sa Biyernes, ika-21 ng Hunyo kung saan inaasahan na dadagsain ito ng libo-libong mga taga-suporta ng Celtics.
Labis aniya ang tuwa ng mga residente sa Boston, mapa-bata man o matanda dahil ito ang unang panalo sa NBA ng nasabing koponan makalipas ang labing anim na taon.
Aniya, lahat umano ng mga tao roon ay nakangiti at nakasuot ng Boston Celtics Jersey bilang pakikiisa sa tagumpay ng Celtics.
Bagama’t kalahati umano ng Filipino Community sa Boston ay sumusuporta sa ibang koponan ay nakiisa pa din sila sa pagkapanalo ng Boston pangunahin na ang mga Pinoy na tagasuporta ng Celtics.