Ibinunyag ng Bise Alkalde ng Reina Mercedes, Isabela ang mga umano’y iregularidad sa pagpasa ng isang ordinansa ng lokal na pamahalaan na may kinalaman sa tulong pinansyal para sa mga tobacco farmers.
Sa kaniyang talumpati sa isinagawang pamamahagi ng financial assistance ng mga magsasaka na ni-live sa social media, sinabi ni Vice Mayor Harold Respicio na natuklasan niya ang umano’y pekeng ordinansa na ginawa ng kasalukuyang administrasyon kaugnay ng excise tax para sa mga tobacco farmers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Harold Respicio, sinabi niya na ginawa umano ang naturang ordinansa noong hindi pa siya nanunungkulan, noong Marso 2025. Gayunman, nang hilingin niya ang mga dokumento kaugnay nito, ay hindi raw ito naibigay at sinabing natanggap lamang nila ang ordinansa noong Setyembre 2025.
Ani Respicio, malinaw na may iregularidad dito dahil ang naipasa sa konseho ang isang ordinansa ay kinakailangang maisumite sa provincial government para sa pag-apruba sa loob ng tatlong araw.
Dagdag pa niya, malamang ay pinalsipika ang pirma ng municipal accountant dahil pumanaw na ito noong Mayo 2025, samantalang Setyembre ipinasa ang nasabing ordinansa.
Giit ng Bise Alkalde, mukhang walang naganap na deliberasyon o sesyon, kaya’t hindi maaaring ituring na balido ang ordinansa kahit pa ito ay pirmado ng Punong Bayan.
Aniya, tila iniiwasan lamang ng kasalukuyang administrasyon ang pagsasagawa ng deliberasyon o sesyon kung saan siya sana ang magiging presiding officer.
Iginiit din niya na dapat sundin ang tamang proseso upang matiyak na maibibigay ang wastong halaga ng tulong sa mga tobacco farmers na umaasa rito.
Dagdag pa ni Respicio, tungkulin ng Sangguniang Bayan na kanyang pinamumunuan bilang oversight body na magsilbing tagamasid at tagabantay sa mga gawain ng executive department.
Binigyang-diin din niya na nararapat isama sa mga deliberasyon ang mga magsasaka upang magkaroon sila ng pagkakataong maipahayag ang kanilang saloobin, sapagkat para sa kanila naman nakalaan ang nasabing pondo.
Aniya, napakaliit lamang ng tulong na natatanggap ng mga tobacco farmers dahil ang pondo ay inilalagay umano sa iba’t ibang proyekto, kung saan posibleng nagkakaroon na ng katiwalian.
Batay sa ipinasa umanong ordinansa, ₱21 milyon lamang ang inilaan para sa financial assistance ng mga magsasaka, isang napakaliit na halaga kung ihahambing sa dami ng mga benepisyaryo.
Sakaling mapatunayang may iregularidad, posible umanong iparefund ang ipinamahaging tulong dahil sa kawalan ng bisa ng nasabing ordinansa at maari ring panagutin ang mga sangkot.
Sinubukan namang kunin ng Bombo News Team ang pahayag ni Mayor Maria Lourdes Saguban ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring sagot sa ating ipinadalang mensahe at tawag.
Bukas naman ang Bombo Radyo Cauayan sa panig ng administrasyon pangunahin sa panig ng Alkalde ng Reina Mercedes Isabela kaugnay sa nasabing isyu.











