Nagbabala si Vice President Sara Duterte sa posibleng pagsasara ng mga negosyo, pagkawala ng trabaho, at paglala ng kahirapan sa mga pamilyang Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin.
Aniya, sa kabila ng krisis, mas inuuna ng pamahalaan ang pagsulong ng impeachment laban sa kanya. Binanggit ni VP Sara ang pagpupumilit ng House Committee on Justice na dumalo siya sa pagdinig upang makabuo umano ng media narrative para sa tinaguriang “mini-trial.”
Idinagdag niya na malinaw na ginagamit ng Kamara ang mga pagdinig para magsagawa ng ikatlong fishing expedition laban sa kanya. Iginiit din ni VP Sara na walang patakaran na nagsasabing kailangang personal na dumalo ang respondent sa impeachment complaint sa mga komite ng pagdinig.
Ayon sa pangalawang pangulo, nakapagsumite na siya ng kanyang Answer ad Cautelam, kaya ang tamang hakbang na lamang ng komite ay ibasura ang mga reklamo dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Aniya, mas pipiliin niyang ilaan ang oras sa pagtulong sa mga Pilipino sa gitna ng kasalukuyang krisis.











