Kinondena ni Vice President Sara Duterte ang paggamit ng mga mapanlait na salita laban sa kanya at ilang testigo sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Sa kanyang pahayag nitong Miyerkoles, iginiit ni Duterte na dapat patunayan sa ebidensya ang mga alegasyon laban sa kanya at hindi sa pamamagitan ng insulto, haka-haka o political theatrics.
Ayon sa bise presidente, hindi kailangan ng isang matibay na kaso ang mga ganitong palabas, dahil hindi umano nakapagpapatunay ng kaso ang pagtawag sa isang testigo bilang “stupid,” o sa kanya bilang “mastermind of a scam.”
Aniya, maaaring nagpapakita lamang ng kawalan ng kumpiyansa sa isang mahinang presentasyon ang mga insulto.
Samantala, nitong Martes ay ipinabura ni Senate Presiding Officer Francis Escudero sa rekord ang mga salitang “scam” at “mastermind” na ginamit ni private prosecutor Atty. Mae Divinagracia sa pagtatanong kay OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio.
Noong Lunes naman, binatikos ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang OVP special disbursing officer na si Gina Acosta dahil sa umano’y kabiguang kuwestiyunin ang mga discrepancy sa acknowledgment receipts ng confidential funds.











