--Ads--

Inihayag ni Vice President Sara Duterte na nakapagrekrut na siya ng posibleng maging ka-tandem sa 2028 presidential elections, ngunit tumanggi siyang isapubliko ang pangalan nito sa ngayon.

Sa panayam na ipinalabas nitong Pebrero 21, sinabi ng bise presidente na noong nakaraang taon pa niya ni-recruit ang naturang indibidwal ngunit nais muna niya itong protektahan habang hindi pa ito nagpapasya sa magiging direksyon ng karera nito.

Noong Miyerkules, inanunsyo ni Duterte ang kanyang planong tumakbo bilang pangulo sa 2028 elections. Ayon sa kanya, ang kanyang napipisil na bise presidente ang tututok sa pagpapanagot sa mga umano’y nagkamali sa bayan, habang siya ay magpopokus sa pamamahala sakaling manalo.

Ibinunyag din niya na hindi niya agad ipinaalam sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang maagang pagdedeklara ng kandidatura. Aniya, nalaman lamang ito ng dating pangulo sa pamamagitan ng kanyang mga abogado.

Tanging ang kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio, kanilang mga anak, ina na si Elizabeth Zimmerman, at ilang staff ang nakaaalam ng kanyang plano bago ito inanunsyo sa publiko.

--Ads--

Iginiit din ni Duterte na ang pagtakbo sa pagkapangulo ay walang kinikilalang kasarian, taliwas sa naging pahayag noon ng kanyang ama na hindi umano para sa babae ang naturang posisyon. Aniya, nasa kakayahan at kalooban ng tao ang pagiging epektibong lider, hindi sa kasarian.