Inaasahan ni Vice President Sara Duterte na maghahain ang National Bureau of Investigation o NBI ng kasong perjury laban kay dating pulis Rodulfo Gracioso Jr. matapos makumpleto ang imbestigasyon at mapatunayang hindi totoo ang mga alegasyon nito laban sa kanya.
Sa pahayag ni Duterte, kinumpirma niyang natanggap ng kanyang tanggapan mula sa NBI ang kopya ng affidavit ni Gracioso kasama ang mga identification documents, ngunit wala umanong ibang kalakip na dokumento.
Ayon kay Duterte, 29 na pahayag sa affidavit ni Gracioso ang kanilang binilang na pinaniniwalaan nilang hindi totoo.
Kabilang dito ang alegasyon na magkasama umano sila ni Jefry Tupas sa Marinduque noong Mahal na Araw ng 2019 at nasa Maynila noong Setyembre 21, 2019.
Sinabi ni Duterte na sinabi mismo ni NBI Director Melvin Matibag na posibleng magsampa ng kasong perjury kung mapatutunayang mali ang mga alegasyon.
Nauna nang sinabi ni Gracioso na naghatid siya umano ng mga maleta na naglalaman ng pera kina Vice President Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte, alinsunod umano sa utos ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Tinatayang mahigit dalawang bilyong piso umano ang kabuuang perang naihatid ni Gracioso kay Vice President Duterte.
Patuloy namang iniimbestigahan ng NBI ang mga alegasyon ni Gracioso at balak ding kunin ang panig nina Vice President Duterte, Pulong Duterte, Velasco at asawa nitong si Toni Velasco.
Mariing itinanggi ni Vice President Duterte na kilala niya si Gracioso at sinabi niyang wala siyang natanggap na pera mula rito. Itinanggi rin ng kampo ni Velasco ang mga alegasyon at sinabing wala itong batayan.











