Umabot sa 49 government contracts na tinatayang P35 milyon ang napasok ng mga kumpanyang iniuugnay kay Vice President Sara Duterte habang siya ay nasa puwesto bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, ayon sa isang prosecution witness sa impeachment trial.
Sa impeachment trial, sinabi ni Philippine Government Electronic Procurement System o PhilGEPS Division Chief Rendell Sopeña na kabilang sa mga kumpanyang nakakuha ng government contracts ang GenCorp Industries, na kabilang sa mga kumpanyang nakalista sa SEC records kaugnay kay Duterte.
Ayon kay Sopeña, 33 kontrata na nagkakahalaga ng P1.3 milyon ang iginawad ng PhilHealth Region XI, habang 15 kontrata na nagkakahalaga ng P34.2 milyon ang mula sa Davao City government at isang kontrata na P330,000 naman mula sa OWWA Region XI.
Saklaw ng PhilGEPS records ang mga transaksiyong mula Hulyo 21, 2022 hanggang Hunyo 23, 2026.
Iniuugnay naman ng prosekusyon ang mga kontrata sa alegasyon na hindi umano nag-divest si Duterte sa kanyang business at financial interests habang nasa puwesto.
Dahil dito, hiniling ng prosekusyon sa impeachment court na kilalanin ang probisyon ng Article VII, Section 13 ng Konstitusyon na nagbabawal sa Pangulo, Bise Presidente at iba pang tinukoy na opisyal na makilahok sa negosyo o magkaroon ng financial interest sa government contracts habang nasa puwesto.
Samantala, inihayag ng korte na naisilbi na kay Davao City Mayor Sebastian Baste Duterte ang subpoena upang humarap bilang testigo sa impeachment trial sa Setyembre 28, 29 at 30.
Nauna nang sinabi ng prosekusyon na tatanungin si Baste tungkol sa mga transaksiyon ng GenCorp sa Davao City government at posibleng ituring siyang hostile witness.
Bukod dito, lumitaw sa pagdinig ang tinatayang P2.159 bilyong combined sales ng ilang kumpanyang iniuugnay kina VP Sara at sa kanyang asawang si Manases Carpio, kabilang ang mga kumpanyang may franchise ng Jollibee at Chowking.
Samantala, sinabi ng SEC na hindi lumilitaw ang pangalan ni Duterte bilang incorporator o shareholder sa corporate filings ng ilang kumpanyang idineklara naman niya sa kanyang SALN bilang bahagi ng kanyang business interests.
Kinumpirma rin ni Del Rosario na si Jaime T. Cruz, dating special envoy to China noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay lumilitaw sa corporate papers ng ilang kumpanyang iniuugnay kay VP Sara.











