--Ads--

Nilinaw ni VP Sara Duterte na hindi siya kinonsulta ng grupo ng mga abogado na naghain ng petisyon sa Supreme Court of the Philippines noong Marso 27 upang ipatigil ang impeachment proceedings laban sa kanya sa House of Representatives of the Philippines.

Ayon sa bise presidente, wala siyang direktang kinalaman sa nasabing hakbang at ipinauubaya na niya ang usapin sa kanyang mga abogado.

Gayunpaman, nagpasalamat siya sa mga independent lawyers na naghain ng petisyon, kahit hindi sila bahagi ng kanyang legal team, dahil sa kanilang pagsuporta sa Konstitusyon at pagtutol sa umano’y maling paggamit ng proseso ng impeachment.

Ang petisyon, na inihain ng grupong pinamumunuan ni Atty. Israelito Torreon, ay humihiling sa Korte Suprema na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) at Writ of Preliminary Injunction upang mapatigil ang anumang aksyon ng House Committee on Justice kaugnay ng mga impeachment complaint.

--Ads--

Iginiit ng mga petitioner na may mga isyung procedural at constitutional sa pagproseso ng mga reklamo, kabilang ang umano’y paulit-ulit na pag-refile at pag-endorso ng mga ito.

Ayon pa sa kanila, nararapat lamang na agad ibasura ang mga impeachment complaint na kulang sa pormalidad at hindi na ipagpatuloy ang anumang pagdinig o deliberasyon kung may depekto na ito mula pa sa simula.