Nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) na kasalukuyang walang ipinatutupad na price freeze, kahit na idineklara ang state of national energy emergency sa bansa.
Ayon sa isang pahayag ng ahensya, nananatiling matatag ang suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ito ay kasunod ng paglabas ng Executive Order (EO) No. 110, na naglalayong protektahan ang lokal na suplay ng langis sa gitna ng tensiyon sa Gitnang Silangang Rehiyon.
Kasama rin sa EO ang activation ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, at Transport (UPLIFT) Program, na magbibigay ng targeted subsidies para sa mga sektor ng transportasyon at agrikultura.
Ayon sa DTI, inaagapan ng pamahalaan ang inflationary pressures na posibleng maging dahilan ng price freeze sa pamamagitan ng pagpapanatiling stable ang presyo ng mga produkto.
Bukod dito, nakikipagpulong ang ahensya sa pribadong sektor, kabilang ang 21 pangunahing manufacturers ng essential goods gaya ng canned sardines, tinapay, bottled water, instant noodles, at kape. Nangako ang mga ito na panatilihin ang kasalukuyang presyo sa loob ng 30 araw hanggang Abril 16, o 60 araw hanggang Mayo 16.
Tiniyak din ng DTI na sapat ang imbentaryo ng pangunahing produkto, batay sa monitoring ng presyo at suplay, kaya hindi magkakaroon ng kakulangan o artipisyal na pagtaas ng presyo.
Patuloy din ang ahensya sa pagsubaybay sa pagsunod sa Suggested Retail Price (SRP). Ang sinumang retailer na mahuling sangkot sa profiteering, labis na pagtaas ng presyo ng higit sa 10% nang walang dahilan, o hoarding ay maharap sa kaukulang parusa.











