--Ads--

Magkakaroon ng walk-in application para sa mga nais pang humabol sa Philippine National Police Academy Cadet Admission Test (PNPACAT) ngayong Sabado, Oktubre 24, sa Isabela State University–Cauayan Campus.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cadet 1st Class Jayvee Valdez ng Philippine National Police Academy, tatanggap sila ng walk-in applicants mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon bilang pagkakataon para sa mga hindi nakapag-apply online.

Kabilang sa mga kailangang dalhin ang walk-in application form na maaaring i-download sa opisyal na Facebook page ng PNPA, 2×2 o passport-size ID picture na may name tag, photocopy ng PSA birth certificate, at pinakabagong Form 137 at Form 138 na nagpapakita ng general weighted average na 85 porsiyento pataas.

Pinapayuhan ang mga aplikante na maagang pumunta sa testing center dahil limitado lamang ang slots para sa walk-in applicants at ipatutupad ang first come, first served na sistema. Hindi rin pinapayagan ang representative sa pagproseso ng aplikasyon at kailangang personal na humarap ang mismong aplikante.

--Ads--

Samantala, sinabi ni Cadet 2nd Class Airylle Mikhail Saet na gaganapin ang PNPACAT sa Linggo, Oktubre 25, sa dalawang testing center sa Region 2, ang Cagayan National High School at Isabela State University–Cauayan Campus.

Kabilang sa mga kwalipikadong kumuha ng pagsusulit ang mga aplikanteng nasa edad 18 hanggang 20 sa oras ng reception, senior high school graduates o college graduates, at nakatutugon sa itinakdang height requirement na limang talampakan at dalawang pulgada para sa lalaki at limang talampakan para sa babae, gayundin sa normal na body mass index o BMI.

Wala ring babayaran ang mga aplikante para sa pagsusulit.

Saklaw ng PNPACAT ang limang subject area kabilang na rito ang Communication Arts, Science, Mathematics, Abstract Reasoning, at General Information and Values.

Nilinaw naman ni Saet na ang pagpasa sa admission test ay unang yugto lamang ng proseso ng pagpasok sa akademya. Kailangan pang sumailalim ang mga pumasa sa agility test, medical at neuropsychological examination, panel interview, at final deliberation bago makumpirma bilang mga finalist.

Ayon kay Valdez, apat na taon ang cadetship training program ng PNPA. Kabilang sa mga benepisyo ang libreng pag-aaral, training allowance, at pagkakataong maging commissioned officer na may ranggong lieutenant matapos ang graduation, alinsunod sa mga itinakdang kwalipikasyon at proseso.

Hinimok naman nila ang mga nagnanais maging kadete na samantalahin ang mga pagkakataong dumarating at panatilihin ang kanilang layunin at inspirasyon upang matapos ang pagsasanay sa akademya.