Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na nakatakda nang ipalabas ngayong Nobyembre ang year-end bonus at P5,000 cash gift para sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, matatanggap ng mga empleyado ng gobyerno ang kanilang year-end bonus, na katumbas ng isang buwang basic pay, kasama ang P5,000 cash gift sa mga susunod na araw.
Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na, sa ilalim ng Budget Circular No. 2024-3, ang year-end bonus at P5,000 cash gift ay isasabay sa unang agency payroll nitong Nobyembre, 2025.
Para sa Fiscal Year 2025, inilaan ng pamahalaan ang kabuuang P63.69 bilyon para sa year-end bonus ng mga sibilyan at uniformed personnel, at P9.24 bilyon naman para sa cash gift. Ang mga pondong ito ay sasaklaw sa mahigit 1.85 milyong government workers sa buong bansa.
Layunin ng pagbibigay ng year-end bonus at cash gift na magbigay-insentibo at tulong pinansyal sa mga kawani ng gobyerno bilang pagkilala sa kanilang serbisyo, lalo na sa panahon ng kapaskuhan.











