--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinaabot ng maraming mambabatas ang pakikidalamhati at pakikiramay sa pamilya Alvarez sa pagpanaw ni dating Senador Heherson Alvarez na inilarawang isa sa mga pinakamagaling na lider sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Congressman Antonio ‘Tonypet’ Albano ng 1st district ng Isabela, sinabi niya na bumuhos sa social media ang pakikiramay ng mga mambabatas kay Gng. Cecile Guidote Alvarez sa pagpanaw ng mister na si dating DENR Sonny Alvarez.

Ayon kay Cong. Albano, ipinatutupad na ang viewing policy para sa kamag-anak ng mga namatay dahil sa COVID-19 bago ilibing o kaya ay isailalim sa cremation.

--Ads--

Sinabi ng kongresista na labis siyang nalulungkot dahil isa si dating Senador Alvarez sa mga taong sobrang malapit sa pamilya Albano.

Malaking kawalan aniya si Alvarez na maraming naiambag sa pamahalaan mula nang mahalal na senador, kongresista at naging kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon kay Cong. Albano, labis siyang nalulungkot dahil hindi nila maibigay ang huling pagpupugay sa tinagurian niyang great leader dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) bunsod ng pag-iingat sa COVID-19.

Tinig ni Representative Antonio ‘Tonypet’ Albano.