Binalaan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co na maaari siyang maharap sa kasong contempt kung hindi siya dadalo sa pagdinig ng komisyon nitong Martes, Oktubre 14, kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay ICI Executive Director Brian Keith Hosaka, inihahanda na ng komisyon ang pagsampa ng petisyon sa korte upang ipa-contempt si Co sakaling hindi ito tumugon sa subpoena na ipinadala sa kanya noong nakaraang linggo.
Ayon kay Hosaka, walang contempt powers ang ICI, kaya ang proseso ay pupunta sila sa korte at kung sasang-ayunan ng korte ang petisyon, maaaring maglabas ito ng warrant of arrest laban kay Co.
Noong nakaraang linggo, ipinalabas ng ICI ang subpoena kay Co upang humarap sa pagdinig at magbigay ng testimonya kaugnay sa umano’y personal niyang kaalaman sa mga budget insertions at flood control projects. Siya ang dating chairman ng House Committee on Appropriations. Pinadadala rin sa kanya ng komisyon ang mga kontrata, dokumento, at iba pang rekord na may kaugnayan sa proyekto.
Gayunman, sinabi ni Hosaka na wala pa ring tugon mula kay Co sa naturang subpoena. Nang tanungin kung maaaring humantong ito sa warrant of arrest sumagot si Hosaka na ito ay maari kung papayagan ng korte ang aplikasyon.
Bukod kay Co, inimbitahan rin ng ICI si dating House Speaker Martin Romualdez na agad namang nagpahayag ng kahandaang humarap sa komisyon. Ang dalawa ay iniugnay sa mga umano’y insertion sa pambansang budget at inakusahang nakatanggap ng kickbacks mula sa maanomalyang flood control projects.
Matatandaang nagbitiw si Co sa Kamara noong nakaraang buwan, dahil sa aniya ay “real, direct, grave and imminent threat” sa kanyang pamilya at ang “evident denial” sa kanyang karapatang makamit ang due process.
Ayon naman kay dating Justice Secretary at ngayon ay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, si Co ay posibleng nasa Spain ngayon at hindi inaasahang babalik pa sa bansa. Dagdag ni Remulla, kung patuloy ang pag-iwas ni Co sa imbestigasyon, maaari itong ituring bilang isang “fugitive” sa mata ng batas.
Samantala, inirekomenda ng ICI ang posibleng pagsasampa ng kasong graft, malversation, at falsification laban kay Co at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng P289.5 milyong road dike project sa Mag-Asawang Tubig River sa Naujan, Oriental Mindoro.
Bukod pa rito, hinikayat na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Department of Justice na sampahan ng kaso si Co at ilang mambabatas.











