--Ads--

Tinatayang umabot sa ₱50,000 ang halaga ng pinsala sa naganap na sunog sa isang bodega sa Barangay Alinam, Cauayan City, Isabela nitong Lunes ng hapon, Oktubre 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mildred Federiz, may-ari ng bodega, sinabi nitong sarado ang kanilang pasilidad nang mangyari ang insidente kaya walang tao sa loob ng establisimyento.

Ayon kay Federiz, nalaman lamang nila ang sunog matapos ipagbigay-alam ng isang concerned citizen na may nakitang usok at apoy sa likurang bahagi ng bodega.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City matapos makatanggap ng tawag mula sa 2nd Provincial Mobile Force Company dakong alas-1:15 ng hapon.

--Ads--

Dahil sa mabilis na pagresponde ng mga bumbero, agad na naapula ang apoy at napigilan itong kumalat sa mismong loob ng bodega.

Bandang alas-1:22 ng hapon nang ideklarang fire out ang lugar. Gayunman, natupok ang mga gamit na nakaimbak sa likurang bahagi ng bodega.

Kabilang sa mga nasunog ang mga produktong gawa sa light materials tulad ng plastik, plywood, mga upuan, tent, kahon at iba pang kagamitang pambahay na ibinebenta sa nasabing establisimyento.

Sa paunang imbestigasyon, isa sa mga tinitingnang posibleng sanhi ng sunog ang mga tuyong dahon na malapit sa mga nakaimbak na kagamitan, na maaaring naapektuhan ng matinding init ng panahon.

Nabatid na humigit-kumulang isang dipa lamang ang layo ng mga tuyong dahon sa mga materyales na madaling magliyab na nakaimbak sa lugar.