--Ads--

Nagsasagawa na ng recorida ang Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City sa iba’t ibang barangay upang magpaalala sa mga residente tungkol sa mga hakbang sa pag-iwas sa sunog ngayong Undas 2026.

Sinimulan kahapon ng hapon ang naturang aktibidad upang matiyak na alam ng publiko ang mga kinakailangang pag-iingat, lalo na ng mga pamilyang aalis ng kanilang tahanan upang dumalaw sa mga sementeryo o bumiyahe sa kani-kanilang probinsiya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 3 Jonel Corrales, Acting Deputy Fire Marshal ng BFP Cauayan City, sinabi nitong personal na umiikot ang kanilang mga tauhan sa mga barangay upang ipaalam ang mga dapat gawin bago iwan ang mga bahay.

Kabilang sa mga pangunahing paalala ang pagtanggal sa pagkakasaksak ng mga electrical appliance na hindi kailangang manatiling nakabukas habang walang tao sa bahay.

--Ads--

Gayunman, pinayuhan ang mga residente na tiyaking ligtas at maayos na namo-monitor ang mga kagamitang kailangang patuloy na gumana, gaya ng aquarium, at ang mga establisimyentong nangangailangan ng tuloy-tuloy na operasyon.

Binigyang-diin din ng BFP ang kahalagahan ng pagtiyak na nakapatay ang mga hindi kailangang appliance, ligtas ang paggamit ng LPG, at walang naiiwang nakasinding kandila o iba pang bagay na maaaring pagmulan ng sunog.

Pinayuhan din ang publiko na suriin ang mga koneksiyon ng kuryente at mga saksakan upang maiwasan ang overloading at short circuit na maaaring magdulot ng sunog.

Inaasahang maraming pamilya ang aalis ng kanilang mga tahanan ngayong Undas upang dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay o magtungo sa ibang lugar.

Dahil dito, muling hinimok ng BFP ang publiko na tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan bago umalis upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng pinsala sa buhay at ari-arian.

Patuloy naman ang BFP Cauayan City sa pagsasagawa ng mga aktibidad na naglalayong palawakin ang kaalaman ng publiko sa pag-iwas sa sunog at mapanatili ang kaligtasan ng mga komunidad.