Tinanggihan ng pamilya ng mga nasawing garbage collector ang alok na ₱75,000 ng suspek bilang areglo matapos salpukin ng isang van ang garbage dump truck noong Huwebes ng gabi, Nobyembre 12, 2026, sa Barangay San Fermin, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mary Ann Cristobal, asawa ng isa sa mga nasawi, sinabi nitong desidido ang mga kaanak na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek na nakalaya na matapos makapagpiyansa.
Ayon kay Cristobal, nakipag-usap umano sa kanila ang suspek noong nakaraang linggo upang ayusin na lamang ang kaso.
Gayunman, hindi tinanggap ng mga pamilya ang alok na ₱75,000 dahil hindi umano ito sapat upang matugunan ang mga gastusin sa burol at hospital bills ng mga biktima.
Iginiit din ni Cristobal na ₱500,000 ang hinihinging danyos at tulong pinansyal ng bawat pamilya, lalo’t naiwan ang mga asawa ng mga nasawi at may mga anak pang nag-aaral.
Hindi naman umano pumayag ang suspek sa kanilang hinihinging halaga kaya nagpasya ang mga pamilya na ituloy ang kaukulang kaso.
Samantala, batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan mula sa pulisya, nakapagpiyansa na ang suspek kahapon sa halagang ₱90,000 para sa pansamantalang kalayaan nito.






