--Ads--

Todo-kayod ang Gilas Pilipinas sa natitirang apat na laro nito sa FIBA Basketball World Cup Qualifiers upang makapasok sa 2027 FIBA World Cup na gaganapin sa Qatar.

Sa kasalukuyan, nasa ikalimang puwesto ang Pilipinas sa Group E taglay ang 12 puntos at 4-4 win-loss record, kaya kinakailangan nitong makahabol sa huling dalawang qualifying windows.

Ayon kay Gilas head coach Tim Cone, malaki ang tsansa ng koponan na makapasok sa World Cup kung maipanalo nito ang tatlo sa natitirang apat na laro.

Unang makakaharap ng Nationals ang Syria sa Nobyembre 27 at Iran sa Nobyembre 29 sa ikalimang window na gaganapin sa Malaysia.

--Ads--

Susundan ito ng mga laban kontra Jordan sa Pebrero 26 at Syria sa Marso 1 sa huling window na nakatakdang idaos sa Cebu.

Direktang makakapasok sa World Cup ang tatlong nangungunang koponan sa bawat grupo, habang makakakuha rin ng puwesto ang may pinakamagandang record sa mga koponang magtatapos sa ikaapat na puwesto sa Groups E at F.

Samantala, inaasahan ni Cone na magiging mahigpit ang laban kontra Syria dahil sa pagdagdag nito sa kanilang lineup ng bagong naturalized player na si D’Angelo Harrison.

Magkakaroon din ng bagong mukha ang Gilas lineup sa pagpasok ni Bennie Boatwright, habang hindi muna makakalaro si Justin Brownlee dahil sa karamdaman.

Nakatakdang simulan ng Gilas Pilipinas ang training camp sa Kuala Lumpur sa Nobyembre 21 bilang paghahanda sa nalalapit na qualifying games.