--Ads--

Nasawi ang 11 katao at nasugatan ang dose-dosenang iba pa kabilang ang mga bata sa isang drone attack sa mataong pamilihan sa kanlurang bahagi ng Sudan ang.

Nangyari ang insidente sa Adikong market, malapit sa border ng Chad, noong Huwebes, kung saan sumiklab ang apoy matapos tamaan ang imbakan ng gasolina sa lugar.

Ayon sa Doctors Without Borders (MSF), higit sa 20 nasugatan ang kanilang nagamot sa ospital sa bayan ng Adre, at pito sa kanila ay mga bata. Ito na ang ikalawang nakamamatay na drone attack sa parehong lugar sa loob lamang ng isang buwan.

Ang pag-atake ay bahagi ng patuloy na digmaan sa pagitan ng Sudanese Armed Forces at ng paramilitary group na Rapid Support Forces, na nagsimula noong Abril 2023. Ayon kay Volker Turk ng United Nations, mahigit 200 sibilyan na ang nasawi sa mga drone strike mula Marso 4 sa mga rehiyon ng Kordofan at White Nile.

--Ads--

Sa kabuuan, mahigit 1,000 drone attacks na ang naitala mula nang magsimula ang digmaan, na nagdulot ng malawakang humanitarian crisis sa bansa.

Ayon sa UN, humigit-kumulang 33.7 milyong tao ang nangangailangan ng tulong, at mahigit 12 milyong katao na ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan.