--Ads--

Naghain ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng precautionary hold departure order (PHDO) laban kina Senador Francis “Chiz” Escudero at negosyanteng si Maynard Ngu.

Ito ay kaugnay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Sa isinagawang verified ex-parte application para sa travel restriction, ginamit ng Ombudsman ang Section 3, Rule VIII ng 2018 Revised Internal Rules ng Sandiganbayan bilang batayan.

Sa ilalim ng PHDO, inaatasan ang Bureau of Immigration na pigilan ang pag-alis ng mga indibidwal na hinihinalang sangkot sa krimen, lalo na sa mga kasong may parusang anim na taon at isang araw pataas, o kahit anong kaso kung ang akusado ay dayuhan.

--Ads--

Kasalukuyang iniimbestigahan sina Escudero at Ngu sa mga kasong plunder, graft, at indirect bribery kaugnay ng umano’y flood control scandal.

Isinailalim na rin sa raffle sa Sandiganbayan Sixth Division ang hiling na paglalabas ng travel ban order laban sa dalawa nitong Sabado, Abril 25.

Matatandaang isiniwalat ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na umano’y dumaan kay Ngu ang 20% o humigit-kumulang P160 milyon mula sa P800-milyong proyekto sa Valenzuela na nakalaan umano para kay Escudero, ngunit kapwa itinanggi ng negosyante at senador ang mga paratang.