Arestado ang isang lalaki matapos mahulihan ng hinihinalang ipinagbabawal na droga na itinago sa loob ng isang gulay sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) City of Ilagan, kahapon, Abril 24.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal, Information Officer ng City of Ilagan Component Police Station, sinabi niyang naganap ang insidente bandang alas-4:40 ng hapon sa loob ng city jail.
Ayon kay PCapt. Andal, nagtungo ang suspek sa piitan upang maghatid ng pagkain para sa isang inmate. Gayunman, sa isinagawang inspeksyon ng jail guard sa dalang pagkain na nakalagay sa isang puting sando bag, napansin ang kahina-hinalang laman nito.
Sa masusing pagsusuri, nadiskubre ang hinihinalang shabu na nakatago sa loob ng isang Chinese cabbage. Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang jail guard sa kanyang mga kasamahan at ini-report ang insidente sa pulisya, na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng suspek dahil sa illegal na pagmamay-ari ng droga.
Sa imbestigasyon, lumabas na ang suspek ay residente ng Barangay Bagumbayan sa lungsod. Ayon sa kanya, inutusan lamang siyang maghatid ng pagkain sa isang inmate at hindi umano niya alam na may nakatagong droga sa dala niyang pagkain. Wala rin umano siyang personal na relasyon sa inmate, bagamat kilala niya ang taong nag-utos sa kanya.
Nabatid din na minamanmanan na umano ng mga awtoridad ang suspek dahil sa impormasyon na siya ay gumagamit ng ilegal na droga, bagamat wala pa itong naitalang kaso. Samantala, ang inmate na pagbibigyan sana ng pagkain ay umano’y sangkot din sa kaso ng droga.
Sa ngayon, patuloy pang tinutukoy ang eksaktong timbang ng nasamsam na hinihinalang shabu habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ito na rin ang kauna-unahang naitalang insidente ng ganitong uri sa BJMP City of Ilagan.
Binigyang-diin naman ng pulisya at BJMP na mahigpit nilang ipinatutupad ang inspeksyon sa mga dinadalang pagkain at gamit sa loob ng piitan, alinsunod sa umiiral na mga patakaran. Kaugnay nito, patuloy pang paiigtingin ang pagbabantay at information dissemination upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa hinaharap.











