Isang menor de edad na babae ang umano’y tinangkang gahasain ng kaniyang sariling bayaw sa isang barangay sa Cauayan City nitong gabi ng Hunyo 29.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob, sinabi niyang bandang alas-8:00 ng gabi nang lumapit sa kaniya ang 14-anyos na biktima upang magsumbong hinggil sa insidente.
Batay sa salaysay ng biktima, natutulog umano siya sa loob ng kaniyang silid nang maramdaman niyang may humahalik sa kaniyang leeg at humahawak sa kaniyang mga maseselang bahagi ng katawan. Nang idilat umano niya ang kaniyang mga mata, laking gulat niya nang makita ang kaniyang sariling bayaw.
Dahil sa matinding takot, agad umanong tumakbo ang biktima palabas ng bahay at nagsumbong sa kaniyang mga magulang.
Sinabi pa ng biktima na hindi umano ito ang unang pagkakataon na nakaranas siya ng ganitong pangyayari mula sa suspek. Ayon sa kaniya, may mga nauna na umanong insidente kung saan ipinapakita ng kaniyang bayaw ang ari nito at sinusubukang gumawa ng hindi naaangkop na kilos laban sa kaniya.
Aniya, noon ay hindi siya nakapagsumbong dahil sa umano’y pananakot ng kaniyang bayaw. Gayunman, nagpasya na siyang magsalita at humingi ng tulong dahil hindi na umano niya kayang tiisin ang mga nagaganap.
Agad namang humingi ng tulong si Kagawad Acob sa pulisya matapos matanggap ang sumbong. Dinala umano ang magkabilang panig sa himpilan upang mapakinggan ang kanilang mga pahayag at masimulan ang kaukulang imbestigasyon.Sa kasalukuyan, patuloy pa rin inaalam ng Bombo News Team ang karagdagang impormasyon kaugnay sa insidente upang matukoy ang mga susunod na hakbang at posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa nasabing suspek.











