--Ads--

Aabot sa 14 katao, karamihan ay mga estudyante, ang nasawi matapos sumiklab ang apoy sa isang college building sa lungsod ng Lucknow, India.

Naganap ang sunog nitong Lunes sa isang tatlong-palapag na commercial building na matatagpuan sa isang residential area. Sa loob nito ay may library at animation studio para sa mga estudyante sa isang palapag, at veterinary clinic sa isa pa.

Ayon sa mga opisyal, sa gitnang palapag nagsimula ang apoy. May mga ulat na umaabot sa 14 hanggang 15 ang nasawi, habang apat naman ang nasugatan.

Hindi pa matukoy ang sanhi ng sunog. Ipinakita sa mga video sa social media ang ilang taong tumatakas sa pamamagitan ng bintana, at may ulat na isang lalaki ang nahulog habang sinusubukang makalabas ngunit ligtas naman ito.

--Ads--

Nahirapan ang rescue operations dahil sa makapal na usok kaya kinailangang butasin ang pader ng gusali para makapasok ang mga bumbero, habang gumamit din ng exhaust fans upang bugahan ang usok.

Ayon sa isang empleyado ng animation studio, mabilis na kumalat ang usok matapos ang tanghalian, at nahirapan ang mga tao na makalabas sa gusali.

Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog, na karaniwang iniuugnay sa electrical short circuit at mahinang fire safety compliance sa India.