--Ads--

Tumanggap ng kanilang mga marriage certificate ang 146 na couples na ikinasal sa isinagawang Kasalang Bayan noong Mayo 2 sa Sports Complex Arena, kasabay ng orientation hinggil sa proseso ng legitimation para sa kanilang mga anak.

‎Ayon kay Jovelyn Retamal, City Government Assistant Department Head I ng Local Civil Registry Office, isinagawa ang aktibidad matapos mairehistro ang mga kasal ng mga benepisyaryo ng mass wedding.

‎Sinabi ni Retamal na marami sa mga mag-asawa ang mayroon nang mga anak bago sila ikinasal kaya inilunsad ng lokal na pamahalaan ang programa upang maayos ang mga dokumento ng mga bata at maging lehitimo ang kanilang civil status.

‎Aniya, bahagi ng programa ni Mayor Alyssa Sheena Tan ang libreng pagproseso ng mga kinakailangang dokumento para sa legitimation ng mga anak ng mga benepisyaryo ng Kasalang Bayan.

‎Bukod sa orientation, ipinamahagi rin sa mga mag-asawa ang kanilang opisyal na marriage certificates bilang patunay ng kanilang rehistradong kasal.

‎Layunin ng programa na matulungan ang mga pamilya na maisaayos ang kanilang mga rekord sa civil registry at mabigyan ng tamang dokumentasyon ang kanilang mga anak.