--Ads--

Kinuwestiyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang pagiging epektibo ng mga proyekto ng pamahalaan laban sa pagbaha matapos umabot sa P1.939 trilyon ang ginastos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control management program mula 2011 hanggang 2025.

Ginawa ni Lacson ang pahayag habang patuloy na nakararanas ng malalakas na pag-ulan dulot ng habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagkaantala sa mga aktibidad sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila.

Ayon sa senador, higit P1 trilyon na ang nailaan sa flood management sa nakalipas na 15 taon, o tinatayang P350 milyon kada araw, ngunit patuloy pa rin umanong bumabaha sa maraming lugar.

Batay sa datos na ibinahagi ni Lacson, kapansin-pansing tumaas ang taunang pondo para sa flood management mula P11.323 bilyon noong 2011 hanggang P372.814 bilyon noong 2025. Pinakamalaki ang inilaan noong 2025, kasunod ng P346.771 bilyon noong 2024 at P287.018 bilyon noong 2023.

--Ads--

Una nang inilantad ni Lacson ang mga umano’y maanomalyang flood control project sa ilang lugar gaya ng Bulacan at Oriental Mindoro sa pamamagitan ng kanyang privilege speeches at mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Nadiskubre rin niya ang ilang umano’y maanomalyang slope protection projects at ilegal na reclamation activities sa Taguig City, na isinailalim na sa Office of the Ombudsman ang mga kaugnay na ebidensya.

Iginiit ni Lacson na kailangang suriin kung naging epektibo at kapaki-pakinabang sa publiko ang napakalaking pondong inilaan ng pamahalaan para sa flood control.