Nasawi ang tatlong bata na edad lima, walo at 11, at isang guro matapos magpaputok ng baril ang isang 16-anyos na suspek sa Silver Rail Elementary School sa Bend, Oregon, United States nitong Huwebes ng hapon.
Ayon kay Bend Police Chief Mike Krantz, napatay ang suspek ng isang residente na humabol sa kaniya hanggang sa loob ng paaralan at nakipagbarilan.
Nagtamo naman ng kritikal na pinsala ang isang pitong taong gulang na bata at isang 54-anyos na guro na isinugod sa ospital.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, pinaputukan umano ng suspek ang mga nakakandadong pinto upang makapasok sa paaralan. Ilang minuto matapos makatanggap ng mga ulat ng pamamaril, dumating ang mga pulis sa lugar at nagsagawa ng paghahalughog sa paaralan.
Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek, mga biktima at ng residenteng bumaril sa suspek. Patuloy rin ang imbestigasyon upang matukoy kung may kaugnayan ang suspek sa paaralan.
Bilang tugon sa insidente, suspendido ang klase sa mga paaralan sa buong lungsod ng Bend nitong Biyernes upang bigyang-panahon ang komunidad na makabangon sa trahedya.






