Itinuturing na bayani ang isang 36-anyos na ama ng dalawang estudyante matapos nitong mapatay ang 16-anyos na suspek sa pamamaril sa Silver Rail Elementary School sa Bend, Oregon, na ikinasawi ng tatlong bata at isang guro.
Kinilala ng pamilya ang naturang private citizen na si Kaylub Giamanco, na may dalawang anak na nag-aaral sa nasabing paaralan.
Batay sa ulat ni Bombo International News Correspondent Marissa Pascual, nagsimula ang insidente nang makita ng isang motorista ang suspek na umaakyat sa bakod ng paaralan habang may dalang shotgun. Nang komprontahin, pinaputukan umano ng suspek ang pickup truck ng motorista, na agad namang tumawag sa 911.
Samantala, nagtungo sa parking lot ng paaralan si Giamanco, na nakarinig ng mga putok ng baril. Kinuha niya ang legal niyang .40-caliber handgun at pumasok sa gusali upang harapin ang suspek.
Bago nakialam si Giamanco, sinubukan ng isang guro na pigilan ang suspek at maagaw ang shotgun. Nang makita ang guro na nakikipagbuno sa binatilyo, ilang beses itong pinaputukan ni Giamanco hanggang sa mapahinto ang pag-atake. Natagpuan na lamang ng mga pulis na patay ang suspek.
Pinuri ni Bend Police Chief Mike Krantz ang katapangan ng guro at ni Giamanco, na ayon sa kaniya ay malaking bagay upang mapigilan na mas dumami pa ang mga biktima.
Bukod sa tatlong batang edad lima, walo at labing-isang taong gulang, nasawi rin ang 25-anyos na gurong si Megan Lambert. Dalawa pa ang nasugatan, kabilang ang isang pitong taong gulang na estudyante at isang 54-anyos na guro na ginagamot sa ospital.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng suspek at kung paano nito nakuha ang shotgun na ginamit sa krimen.









