--Ads--

Hindi bababa sa 19 katao ang nasawi matapos mahulog ang isang bus at bumulusok sa nagyeyelong ilog sa Nepal, ayon sa pulisya nitong Lunes.

Kabilang sa mga nasawi ang isang turistang British.

Ang bus ay bumiyahe mula sa lungsod ng Pokhara patungong Kathmandu nang ito ay mahulog sa mahigit 200 metrong bangin at dumiretso sa Trishuli River sa Dhading nitong madaling-araw ng Lunes.

Ayon kay senior local police officer Prakash Dahal, sa kabuuang 44 na sakay ng bus, 19 ang kumpirmadong patay habang 25 ang kasalukuyang ginagamot sa ospital. Isa sa mga nasawi ay isang British citizen.

--Ads--

Mayroon ding isang Chinese at isang mula sa New Zealand na nasugatan, ngunit hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang mga awtoridad.

Sinabi naman ni Mohan Prasad Neupane, information officer ng district administration office, na natapos ang rescue operation bago magbukang-liwayway. Patuloy namang ginagamot ang mga nasugatan.

Noong Hulyo 2024, dalawang bus na may sakay na mahigit 50 katao ang tinangay ng pagguho ng lupa papunta rin sa parehong ilog.

Karaniwan ang mga aksidente sa Nepal dahil sa hindi maayos na mga kalsada, mga sasakyang kulang sa maintenance, at mapanganib na pagmamaneho.