Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na dalawang indibidwal ang inaresto matapos ang kaguluhan sa pagitan ng mga nagpoprotesta at mga pulis sa isinagawang rally sa EDSA nitong Martes ng umaga.
Nagsimula ang tensyon matapos umanong iligal na iparada ang ilang bus na nagdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa bahagi ng EDSA-White Plains.
Ayon kay NCRPO Director MGen. Anthony Aberin, naalis na ang mga bus na nakaharang sa kalsada at agad na inaresto ang mga responsable sa insidente.
Kinumpirma rin ni Aberin na kabilang sa mga naaresto ang isang indibidwal na nanuntok at isang driver na umano’y nanakit ng pulis.
Samantala, isang pulis ang isinugod sa ospital matapos mahagip ng isa sa mga bus na sangkot sa insidente.
Dahil sa nangyaring kaguluhan, nagdeploy ang NCRPO ng halos 5,000 tauhan at humingi pa ng karagdagang puwersa upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lugar.
Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang pulisya sa mga lider ng kilos-protesta upang matiyak ang kaayusan at maiwasan ang muling pagharang sa mga pangunahing lansangan.











