--Ads--

Arestado ang dalawang helper sa Barangay Cabaruan, Cauayan City matapos maaresto sa buy-bust operation at makuhanan ng hinihinalang ilegal na droga at bala ng baril.

Ang mga suspek ay itinago sa alyas “Mark,” 37, helper at residente ng Brgy. Maligaya, Echague, Isabela, at alyas “Kevin,” 31, may asawa at residente ng Brgy. Pangal, Echague, Isabela. Pareho silang tinukoy bilang Street Level Individuals (SLI) na umano’y sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga.

Ayon sa Cauayan City Police Station, nakuha mula kay alyas “Kevin” ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 10 gramo at tinatayang halagang ₱68,000, kabilang ang buy-bust item. Nakumpiska rin sa kanya ang buy-bust money na binubuo ng isang ₱500 bill at labing-apat na ₱1,000 bill, isang camouflage pouch bag, driver’s license, cellphone, at susi ng motorsiklo.

Samantala, nakuha rin mula kay alyas “Mark” ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 10 gramo at tinatayang halagang ₱68,000, isang berdeng pouch, isang live ammunition para sa kalibre .45, cellphone, susi, at isang motorsiklong walang plaka.

--Ads--

Isinagawa ang joint anti-illegal drug buy-bust operation ng Cauayan City Police Station Drug Enforcement Unit katuwang ang PIU/PDEU-IPPO, PDEA Isabela, PDEU, RID2, at RMU2, sa koordinasyon sa PDEA Regional Office 2.

Dinala ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa Cauayan City Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165 at RA 10591.