--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadakip ng mga kasapi ng Cabagan Police Station ang 2 lalaki makaraang masamsaman ng 3 malalakas na uri ng mga  baril.

Ang mga nadakip ay sina Bernard Bulawan, 35 anyos, binata, tsuper at Julio Flores, 63 anyos at kapwa residente ng Barangay Anao, Cabagan Isabela.

Nasamsam sa kanilang pag-iingat ang isang carbine na may magazine at may 18 live ammunition; isang intratec Caliber 9mm with silencer, 2 magazine na may lamang 19 na bala at isang Smith & Wesson revolver na may live ammunition.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Insp. Melanio Vinuray, hepe ng Cabagan Police Station, sinabi niya na ang 2  ay nakita sa gilid ng Cagayan River.

--Ads--

Bumuo ng isang pangkat si Chief Insp. Vinuray kasama ang intelligence branch ng Isabela Police Provincial Office at Public Safety Platoon makaraang makatanggap ng isang sumbong.

Sa kanilang pagtugon ay nakita sa sasakyan ang 2 baril, mga magazine at mga bala samantalang nakuha ang isang Smith & Wesson sa shoulder bag na suot ni Flores.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na may kasong homicide at frustrated homicide si Bulawan ngunit pansamantalang nakalaya makaraang maglagak ng piyansa.

Ang dalawa ay dinala sa Cabagan Police Station at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 ( Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ) at Disobedience to a person in authority.