CAUAYAN CITY – Nasawi ang dalawang construction worker matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiko sa isang van sa national highway sa Guibang, Gamu, Isabela.
Ang mga biktimang sakay ng motorsiklo ay sina Randy Ramos, 36 anyos at Randy Lariosa, 44 anyos, kapwa construction worker at residente ng Villa Paz, Naguillan, Isabela.
Kasapi naman ng Philippine Army ang tsuper ng Toyota Grandia na si Benedicto Yacat Jr., 36 anyos at residente ng Tondo, Maynila.
Batay sa imbestigasyon ng Gamu Police Station, binabaybay ng van ang pambansang lansangan patungong Naguillian, Isabela habang sa kasalungat na direksyon patungo ang mga biktimang sakay ng motorsiklo.
Nang makarating sila sa bypass road, bahagya umanong nasakop ng van ang linya ng dalawang biktima na pagewang-gewang ang takbo.
Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang dalawang lulan ng motorsiklo nang mahulog sila sa daan matapos silang bumangga sa van.
Isinugod sa Governor Faustino N. Dy Memorial Hospital sa Lunsod ng Ilagan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Batay sa pahayag ng mga motorista na sumusunod sa mga biktima, hinihinalang lasing ang mga ito dahil sa pagewang gewang na takbo ng kanilang motorsiklo
Nasa kustodiya na ng himpilan ng pulisya ang tsuper ng van habang patuloy ang imbestigasyon sa naganap na aksidente.