Nasawi ang dalawang piloto matapos bumagsak ang isang air cargo plane sa labas ng perimeter ng Busuanga Airport sa Barangay Decalachao, Coron, Palawan nitong Huwebes ng umaga.
Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group, ang nasabing insidente ay kinasangkutan ng isang Volpar BE18 air cargo plane na bumagsak bandang alas-11 ng umaga, Abril 2.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagmula ang eroplano sa Sangley Airport upang kumuha ng live fish products at inaasahang babalik sana rito matapos ang takeoff. Gayunman, bigla itong bumagsak at sumabog.
Narekober ang mga labi ng piloto at co-pilot bandang alas-3 ng hapon sa isinagawang search and retrieval operation.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano.











