--Ads--

Nasuspinde ang operasyon ng daan-daang flight sa pangunahing paliparan sa Jakarta, Indonesia matapos muling pumutok ang Bulkang Anak Krakatau ngayong Linggo.

Ayon sa Soekarno-Hatta International Airport, pansamantalang itinigil ang mga operasyon ng flight hanggang alas-9:30 ng umaga dahil sa presensya ng volcanic ash. Ang suspensyon ay pinalawig mula sa naunang itinakdang paghinto ng operasyon hanggang alas-5:30 ng umaga.

Aabot sa 209 flight, kabilang ang ilang international flights, ang naapektuhan ng suspensyon, ayon sa Ministry of Transportation ng Indonesia.

Patuloy umanong nagbubuga ng abo ang Anak Krakatau mula pa noong Biyernes ng gabi. Nakapagtala rin ng volcanic ash sa paliparan nitong madaling-araw ng Linggo.

--Ads--

Ilang paaralan din ang nagkansela ng mga aktibidad nitong Sabado matapos makaranas umano ng iritasyon sa mata ang ilang estudyante at residente. Pansamantala rin umanong itinigil ng mga mangingisda ang kanilang mga biyahe dahil sa pagputok ng bulkan.

Samantala, sinabi ng BNPB na wala pang agarang banta ng tsunami na dulot ng pagputok ng Anak Krakatau.

Matatandaang noong 2018, nagdulot ng tsunami ang pagputok ng naturang bulkan na ikinasawi at ikinasugat ng daan-daang katao sa mga baybayin ng Java at Sumatra.

Ang Anak Krakatau, na nangangahulugang “anak ng Krakatau,” ay nabuo mula sa dating lugar ng Bulkang Krakatoa o Krakatau. Noong 1883, nawasak ang Krakatoa dahil sa napakalaking pagsabog na nagdulot ng serye ng tsunami at kumitil sa buhay ng mahigit 36,000 katao.