--Ads--

Sugatan ang 21 indibidwal matapos masangkot sa banggaan ang isang jeepney at isang Mitsubishi Adventure sa bahagi ng Barangay Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Danilo Mala, ang chief of police ng Reina Merecedes Police Station, patungo sana sa lungsod ng Ilagan ang pampasaherong jeep habang bumabiyahe naman patungong Cauayan City ang isang Mitsubishi Adventure nang mangyari ang insidente.

Nakilala ang driver ng SUV na si Felipe Aggarao 63-anyos at residente ng San Andres, San Mateo, habang minamaneho naman ni Benjamine Vicerro 61- anyos at residente ng Barangay Bagumbayan, City of Ilagan ang pampasaherong jeep.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na umano’y umagaw ng linya ang Mitsubishi Adventure dahilan upang bumangga ito sa kasalubong na jeepney.

--Ads--

Dahil sa lakas ng impact ay tumaob ang pampasaherong jeep na naging sanhi ng pagkakasugat ng 21 pasahero at indibidwal na sangkot sa aksidente.

Una nang may lumabas na impormasyon mula sa ilang nakasaksi na may isang motorsiklo umanong nadamay sa insidente ngunit nilinaw ng pulisya na wala pang kumpirmasyon hinggil dito batay sa kanilang initial investigation.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang kabuuang detalye at pananagutan sa nangyaring aksidente.