Sugatan ang isang motorcycle rider matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa likurang bahagi ng isang pribadong van sa Barangay Nungnungan II, Cauayan City, ngayong Biyernes, Nobyembre 27, 2026.
Nabasag naman ang rear quarter window ng van dahil sa lakas ng pagkakabangga.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kapwa binabagtas ng motorsiklo at pribadong van ang kalsada sa naturang barangay at patungo sa iisang direksyon, papuntang bayan ng Alicia.
Gayunman, bigla umanong nag-U-turn ang van dahilan upang sumalpok ang paparating na motorsiklo sa likurang gilid nito.
Dahil sa insidente, nagtamo ng sugat sa ulo ang motorcycle rider na agad isinugod sa isang ospital sa Cauayan City para sa agarang lunas.
Nananatili naman ito sa pagamutan para sa patuloy na obserbasyon at medikal na atensyon.
Samantala, hindi nasaktan ang driver ng van maging ang mga sakay nito sa kabila ng pagkabasag ng rear quarter window ng sasakyan.
Gayunman, nagpahayag naman ito ng kahandaan na makipag-ugnayan sa pamilya ng rider para sa posibleng pag-aareglo at settlement.
Nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang driver ng van kasama ang mga pasahero nito para sa kaukulang dokumentasyon.
Sinubukan namang kunan ng pahayag ang driver at mga kasama nito ngunit hindi pa nagbigay ng anumang komento.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.











