Nasawi ang hindi bababa sa 21 katao matapos lumubog ang isang bangkang lulan ng mga migrante sa baybayin ng Senegal, ayon sa Interior Ministry ng bansa.
Sa pahayag ng ministeryo, isang survivor ang nasagip habang 21 bangkay naman ang narekober hanggang Sabado ng gabi.
Naganap ang insidente sa karagatan malapit sa Kebemer, may 180 kilometro sa hilaga ng Dakar, kung saan nagpapatuloy ang search and rescue operations upang matukoy kung mayroon pang ibang nakaligtas.
Sakay ng bangka ang mga indibidwal na nagtatangkang makalipat sa ibang bansa sa pamamagitan ng irregular migration, subalit hindi tinukoy ng mga awtoridad kung ilan ang kabuuang pasahero nito.
Samantala, libu-libong migrante na ang nasawi nitong mga nakaraang taon sa pagtatangkang marating ang Canary Islands ng Spain mula sa West Africa.
Ayon sa migrant rights group na Walking Borders, 635 katao ang nasawi sa naturang ruta sa unang limang buwan pa lamang ng taong ito.










