--Ads--

Muling ipinagpatuloy ngayong Biyernes ang search and rescue operations para sa mga nawawala matapos masunog ang MV June Aster sa karagatan ng Coron, Palawan. Lima ang kumpirmadong nasawi, 43 ang nailigtas at 84 ang patuloy na pinaghahanap.

Ayon sa Philippine Coast Guard o PCG, nahihirapan ang mga rescuer na makasakay sa barko dahil sa makapal na usok na patuloy na nagmumula rito.

Sinabi naman ng survivor na si Richard Marceliano na mabilis na kumalat ang apoy matapos nilang makitang nagsimula ito sa kaunting usok. Halos dalawang oras umano silang lumutang sa dagat bago nailigtas.

Nagpakalat ang PCG ng limang barko at mga diver, habang tumutulong din ang Army, mga mangingisda at pribadong resort owners sa search operations.

--Ads--

Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog. Ayon sa Maritime Industry Authority o MARINA, dalawang magkakasunod na pagsabog umano ang narinig mula sa loob ng barko bago sumiklab ang apoy.

Batay sa manifest, may 117 pasahero at 17 crew ang MV June Aster na bumiyahe mula Baseco, Maynila patungong Coron.