Sugatan ang hindi bababa sa 21 katao, kabilang ang 19 na bumbero, matapos sumiklab ang isang malawakang sunog sa Queens, New York City noong Sabado.
Ayon sa New York Fire Department (FDNY), isinugod sa mga pagamutan ang mga nasugatang bumbero upang mabigyan ng agarang lunas.
Batay sa ulat , wala sa mga biktima ang nagtamo ng deadly injuries Gayunman, lima sa mga bumbero ang nagtamo ng sugat, habang isa sa kanila ang nananatili sa ospital at nasa critical condition.
Nagsimula ang sunog bandang alas-10 ng umaga sa isang bahay malapit sa College Point Boulevard sa Flushing at mabilis na kumalat sa dalawa pang katabing gusali.
Makikita ang makapal na usok na bumalot sa hanay ng mga kabahayan habang nagsagawa ng operasyon ang mga rumespondeng bumbero upang makontrol ang apoy.
Ayon sa mga ulat, ilang residente ang kinailangang sagipin mula sa bahay kung saan unang sumiklab ang sunog.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente habang sinisiguro ang kaligtasan ng mga residente sa apektadong lugar.






