Hindi bababa sa 21 katao ang nasugatan matapos sumiklab ang malaking sunog sa Queens, New York City nitong Sabado, ayon sa mga awtoridad.
Kabilang sa mga nasugatan ang 19 na bumbero na agad dinala sa mga ospital para mabigyan ng kaukulang lunas, ayon sa New York Fire Department (FDNY).
Ayon sa mga ulat, walang naiulat na nagtamo ng life-threatening injuries gayunman, lima sa mga sugatang bumbero ang nagtamo ng katamtaman hanggang malubhang pinsala, kabilang ang isa na nananatiling nasa seryosong kondisyon sa ospital.
Nagsimula ang sunog dakong alas-10 ng umaga sa isang bahay malapit sa College Point Boulevard bago mabilis na kumalat sa dalawa pang katabing gusali.
Dahil sa lakas ng apoy, kinailangan pang sagipin ng mga rumespondeng tauhan ang ilang residente na na-trap sa bahay kung saan unang sumiklab ang sunog.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente habang isinasagawa ang pagtatasa sa lawak ng pinsalang idinulot ng sunog.





