--Ads--

Inihayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na hindi bababa sa 26 na miyembro ng Kamara de Representantes ang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa mga iregularidad sa mga proyektong imprastraktura ng pamahalaan.

Ayon kay Clavano, nakuha na ng Office of the Ombudsman ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga mambabatas matapos sumunod ang Kamara sa inilabas na subpoena.

Idinagdag niya na hiniling ng Ombudsman ang SALN ng mga miyembro ng Kongreso dahil ang Kamara ang tagapangalaga ng mga dokumentong ito, at agad naman umanong sumunod ang lehislatura sa kahilingan.

Sinabi rin niya na ang unang batch ng mga dokumento ay naibigay na bilang bahagi ng imbestigasyon sa umano’y “scheme” sa mga proyektong imprastraktura, na hindi lamang limitado sa flood control projects kundi sumasaklaw sa iba pang infrastructure projects.

--Ads--

Tiniyak ng opisyal na magpapatuloy ang Ombudsman sa pagtupad ng mandato nitong usigin ang mga sangkot sa katiwalian, kabilang ang mga isyung may kaugnayan sa flood control projects.

Matatandaang nakapaghain na ang Ombudsman ng tatlong batch ng kaso kaugnay ng flood control scandal mula nang simulan ang imbestigasyon noong Setyembre 2025.