Hindi bababa sa 27 katao ang nasawi matapos lamunin ng apoy ang isang pub sa Bangkok, Thailand madaling-araw ng Lunes.
Ayon sa mga awtoridad, naiulat ang sunog bandang alas-dose ng hatinggabi sa isang pub sa hilagang bahagi ng kabisera ng Thailand. Sa mga kuhang video na ibinahagi ng mga first responder, makikitang mabilis na kumalat ang apoy mula sa gusali habang nagtatakbuhan palabas ang mga kostumer upang makaligtas.
Sinabi ni Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul na 27 katao ang kumpirmadong nasawi habang ilan pa ang isinugod sa ospital dahil sa tinamong pinsala at paglanghap ng usok.
Tumagal ng humigit-kumulang 30 minuto bago tuluyang naapula ng mga bumbero ang sunog. Makikita sa mga larawan matapos ang insidente ang mga nasunog na mesa at upuan, gayundin ang matinding pinsala sa loob ng establisimyento.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.
Hindi ito ang unang malaking sunog na naganap sa mga establisimyento sa Thailand. Noong 2022, 14 na katao ang nasawi sa sunog sa isang music pub sa silangang bahagi ng bansa.
Noong Enero 1, 2009 naman, umabot sa 66 katao ang namatay at mahigit 200 ang nasugatan sa sunog na sumiklab sa Santika nightclub sa Bangkok habang ginaganap ang pagdiriwang ng Bagong Taon. Pinaniniwalaang nagsimula ang sunog noon dahil sa indoor fireworks display.











