Mayroong 279 volcanic earthquakes na naitala sa Mayon Volcano sa loob ng 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa mga state seismologist, bukod sa mga lindol na naitala noong Sabado, may 324 na rockfall at tatlong pyroclastic density current signals ding naganap sa parehong araw.
Nanatili pa rin sa Alert Level 3 ang status ng bulkan.
Iniulat din ng PHIVOLCS na may lava effusion o pag-agos ng lava sa tatlong daluyan ng bulkan, kasama ang panaka-nakang minor strombolian activity. Umabot sa 3.8 kilometro ang haba ng lava flow sa Basud Gully, 3.2 kilometro sa Bonga Gully, at 1.3 kilometro sa Mi-isi Gully.
Naitala rin ang 2,430 tonelada ng sulfur dioxide flux mula sa bulkan. Samantala, inilarawan na “fair” ang crater glow noong Sabado habang “obscured” o natatakpan ang usok na plume.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone, at pinapayuhan din ang mga sasakyang panghimpapawid na umiwas sa paglipad malapit sa bulkan.
Babala ng PHIVOLCS, posibleng maranasan ang mga panganib tulad ng rockfalls o pagguho ng bato, landslides o avalanches, ballistic fragments, lava flows at lava fountaining, pyroclastic density currents, katamtamang pagsabog, at lahar lalo na kung magkakaroon ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.











