--Ads--

Naarestoang tatlong indibidwal matapos umanong magnakaw ng mga broiler chicken na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱6,000 sa Barangay Victoria, San Mateo, Isabela nitong Agosto 22, 2026.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Randolf,” 27-anyos; “Anton,” 36-anyos; at “Nicko,” na pawang driver at crew ng isang Isuzu truck.

Batay sa paunang imbestigasyon, matapos ikarga ang mga broiler chicken sa Isuzu truck sa Barangay Marasat Pequeño, San Mateo, ihahatid sana ang mga ito sa San Isidro, Isabela.

Sinundan umano ng complainant na si alyas “Peter,” 35-anyos, isang Sangguniang Bayan member at residente ng Barangay Lapaz, Cabatuan, ang truck.

--Ads--

Pagdating sa Barangay Victoria, nakita umano nito ang isang Mitsubishi L300 na nakahinto sa gilid ng kalsada habang inililipat ng mga sakay nito ang ilang kahon ng broiler chicken mula sa Isuzu truck patungo sa L300.

Agad na ini-report ng complainant ang insidente sa 911, dahilan upang makipag-ugnayan ang Alicia Police Station sa San Mateo Police Station.

Bandang alas-7:25 ng umaga, na-intercept ng mga tauhan ng Alicia Police Station ang Isuzu truck sa Barangay Dagupan, Alicia, kung saan naaresto ang tatlong suspek.

Patuloy naman ang follow-up investigation ng San Mateo Police Station upang matukoy at mahanap ang mga sakay ng Mitsubishi L300 na sinasabing kasama sa insidente.

Patuloy ang imbestigasyon para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga naarestong indibidwal at pagtukoy sa iba pang posibleng sangkot.