Paiigtingin ng Naguilian Police Station ang police visibility at pagpapatrolya sa mga pangunahing kalsada at matataong lugar sa bayan ng Naguilian, Isabela, upang matiyak ang seguridad at mapanatili ang kapayapaan ngayong nalalapit na holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Arvin Asuncion, Hepe ng Naguilian Police Station, sinabi nitong inaasahang dadami ang mga motorsita, turista at mga umuuwi sa kanilang mga probinsya sa pagpasok ng Disyembre.
Dahil dito, tututukan ng kapulisan ang police visibility sa mga lugar na dinaragsa ng mga tao upang maiwasan ang mga posibleng insidente ng pagnanakaw, pandurukot, at iba pang krimen.
Samantala, bagama’t bumaba ang naitalang vehicular accidents sa Naguilian nitong mga nakaraang buwan, hindi naman aniya nagpapakampante ang mga kapulisan dahil inaaasahang magiging abala ang mg kalsada bunsod ng mga Christmas party at family reunion.
Kaugnay nito, paiigtingin din ang operasyon laban sa mga motorista na lumalabag sa batas-trapiko, partikular ang mga nagmamaneho sa ilalim ng implumwensiya ng alak.
Sa usapin naman ng peace and order, iniulat ni Asuncion na apat lamang ang naitalang index crimes sa kanilang nasasakupan mula Enero hanggang Nobyembre ngayong 2026, mas mababa kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Samantala, nananatiling drug-clread municipality ang bayan ng Naguilian, bagama’t nakapagtala ng isang pagkaaresto kaugnay ng ilegal na droga noong Agosto matapos maupo sa puwesto si PMaj. Asuncion.
Tiniyak niya na magpapatuloy ang kanilang monitoring sa pakikipag-ugnayan sa mga barangay upang maiwasan ang pagkalat ng ilegal na droga sa bayan.
Binigyang-diin niya na malaking tulong sa pagpapanatili ng crime rateang kooperasyon ng mga residente at barangay officials, gayundin ang regular na pagpapatrolya ng mga pulis sa 25 barangay ng Naguilian.











