--Ads--

Tatlong magkakahiwalay na aksidente sa kalsada ang naitala sa Cauayan City nitong magdamag kung saan dalawa sa mga biktima ang isinugod sa ospital upang mabigyan ng agarang lunas.

Batay sa monitoring ng Rescue 922, unang naganap ang banggaan ng isang motorsiklo at bisikleta bandang alas-8:30 ng umaga sa Barangay Buena Suerte, Cauayan City.

Nasugatan ang sakay ng bisikleta na agad na binigyan ng paunang lunas bago isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.

Bandang alas-10:44 naman ng umaga, nagbanggaan ang dalawang motorsiklo sa Barangay Mabantad, Cauayan City kung saan isa sa mga nasugatan ang dinala rin sa ospital matapos mabigyan ng paunang lunas ng mga rumespondeng awtoridad.

--Ads--

Samantala, bandang alas-9:25 ng gabi ay isa pang aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo ang naitala sa Barangay Labinab, Cauayan City. Wala namang naiulat na isinugod sa ospital sa naturang insidente.

Bukod sa mga aksidente sa kalsada, rumesponde rin ang Rescue 922 sa anim na iba pang medical cases sa loob ng kanilang 24-hour monitoring.

Kabilang dito ang dalawang kaso ng drug overdose, isang insidente ng pagkahulog at isa pang medical emergency sa bahagi ng West Tabacal Region.

Pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada na mahigpit na sumunod sa mga batas trapiko at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang mga aksidente.